By Vinga Dingle Marciano
June 16, 2009
Naalala ko nung 4th year high school ako, nung dumating ang mga resulta ng mga entrance exam ko, pinapili ako ng nanay ko, sa Ateneo, UP, o Mapua. Sabi nya, wag na yang Ateneo, wala tayong pantustos dyan. Mamili ka, UP o Mapua. Gusto ko talagang maging engineer kaya gusto ko din sana sa Mapua, kaso ayaw ko namang gumastos ng husto ang ermat ko kaya sabi ko, syempre sa UP ma. "O sige, pero, wag kayo mag-aaway ng kuya mo ha? Wag nyo kong pahirapan at papiliin pagdating ng panahon." Hindi ko yun masyadong inintindi kasi high school pa ko nun. Napagtatanto ko na lang ang "dilemma" ni ermat nung tumanda na ko.
Si utol kasi sa PMA nag aaral nung panahon na papasok pa lang ako ng kolehiyo. Dalawa lang kaming magkapatid. Oo, pareho kaming iskolar ng bayan :) At kung iisipin mo nga naman, isang maka-kaliwa (ayon sa karamihan) at isang maka-kanan (na ayon sa karamihan din). Alam naman nating lahat, na ang mga pumapasok sa PMA ay hinuhubog na maging mga lider ng hukbong sandatahan. Noon, ang konsepto ko ng military training sa PMA ay ang pagsasanay para maging mga mandirigma na ang kapakanan ng taumbayan ang pangunahing binibigyan ng pagpapahalaga. Pero habang tumatagal, napansin ko na parang lumilihis at iba na ang prayoridad nila. Ang protektahan ang kung sino man ang nagpapayaman at nagbibigay ng kapangyarihan sa kanila o sa mga bosing nila. Hindi ko nilalahat. Marami pa ring matitino at dalisay ang puso't damdamin. Sa katunayan, marami akong mga kaibigang ganun. Sa kasamaang palad, dahil sa sinapit nila habang nasa serbisyo, minabuti na lang nilang umalis. Sayang no? Pero marami pa rin naman din ang nasa institusyon, kaso karamihan sa kilala ko, nakakulong. Kakalungkot no?
Nung nagkaron ako ng kasintahan, tuwang tuwa ako dahil yung nobyo ko nuon (na naging asawa ko at ama ng anak ko) ay mulat, pati ang buong angkan nila. Sa katunayan, political detainees ang mga magulang nya nung panahon ni Marcos. Kaya alam ko na kahit papano, hindi sila masyadong kampante o kumportable na nasa PMA ang kapatid ko nuon at tuluyang naging sundalo o "militar" sa tawag ng karamihan nuon. Dahil nuong martial law, ang mga sundalo, parang mga Death Eaters o mga kampon ni Dark Lord Sauron. So medyo hindi namin napag uusapan si utol. Kung kasama man namin sya, kuwentong buhay buhay lang. Inuman, kasiyahan. Walang tungkol sa pagiging sundalo. Pero sa araw araw, pag wala si utol, sobrang sarap kausap ng pamilya ng asawa ko, sobrang dami kong natutunan. At sobrang nakakatuwa na may kasama kang nagpapahalaga sa katarungan, katotohan, karangalan o dignidad, at kadakilaan. Tuwing nagkuwe-kwentuhan kami, kahit nung mag-asawa na kami, kasama ng mga byenan ko at mga bayaw ko, laging parang buhay yung "alab ng puso" kung tawagin. Naalala ko, nagpunta pa kami nung minsang may malaking malaking pagtitipon sa edsa. Ang sarap ng pakiramdam. Kasama mo ang mga tao at pare-pareho ang sinisigaw ninyo. Pagbabago.
Ipinagtataka ko lang, kapag nilalabanan mo ang mali o pag nilalabanan mo ang gobyerno, babansagan ka nang komunista o kaliwa. Wala namang problema dun. Kahit ano pa ang itawag nila, hindi maipagkakaila na merong dapat baguhin dahil merong mali. Marami akong kilalang maka-kaliwa, at marami din akong kaibigang mga sundalo. At lahat sila, matindi ang pagmamahal sa bayan. Mabalik tayo ngayon sa kwento naming magkapatid. Nuong pumutok ang tinawag na sa kasaysayan natin na "Oakwood Mutiny", hindi ko maipaliwanag ang mararamdaman ko. Pangamba. Tuwa. Takot. Pagbubunyi. Si utol, kasama! Mulat pala sya! Kaso wanted.. Ano kaya ang gagawin sa kanya? Takot na takot kami ng ermat ko. Pero higit sa lahat, proud na proud ako. Ang tapang ng kuya ko! Kasama ko pala sya! Pareho pala ang tibok ng puso namin. Naalala ko, tumawag pa sya sa amin, at nagpapaalam na. Bahala na daw. Iyak ako ng iyak. Bahala na...
Alam ko, sa pagkakataong ito, tuluyang nabuwag ang pangamba ng pamilya ng asawa ko na "militar" ang utol ko na kasama sa lahi ng mga demonyong nakakahanap ng kaligayahan sa pagtotorture, kasabwat sa pangungulimbat, pumuprotekta sa mga makapangyarihang halang ang sikmura. May pag asa pa pala.. Kasama pala natin sila...
Hanggang sa... natapos na.. sumuko na sila.. nakulong.. turuan.. naglabasan ang mga traydor.. nagkatakutan.. nanghina ang mga mandirigma.. kanya kanya nang dahilan.. pumanglaw ang dating marikit na baga.. iwanan.. sisihan.. tawaran.. Nilamukos ng rehas at bakod ang tapang at ang layuning ipagtanggol ang katotohanan at isipin ang kapakanan ng taong bayan. Galit na galit ako. Sa kapatid ko. At sa mga kasama nyang isinuko na ang pinaglalaban. Sa huli, ang sibilyan pa rin pala ang matitira. Lalaban hanggang sa huli. Ang tagal kong hindi kinausap ang kapatid ko. Galit na galit ako. Ako, tuloy pa rin. Sumisigaw sa kalye. Sa makati. Sa edsa. Kahit saan. Pero kasama na sa galit ko ang pagbasag nila sa utol ko. Hanggang sa tanungin ako ng mga kabaro nya ng Kaliwa ka ba? Sabi ko, may diperensya ba? Maalala ko pa, minsang kinumbida ako ng kabaro nya, at tumanggi akong magtrabaho para sa kanila, ang sabi nya sa ken, na may halong pananakot, wag kang mamangka sa dalawang ilog, delikado. Ang sabi ko sa kanya, alam ko. kaya kahit kailan, hindi ako mamamangka sa ilog nyo.
Maraming kuwento at karanasang isasama ko hanggang sa hukay. May mapait, may masaya. Ang pinakamahalaga, ay ang mga aral na napulot sa bawat yugto ng pakikibaka sa buhay. Kung pano tuluyang binibigyang lakas at pag asa ng mga masasayang alaala at karanasan ang sya ring pusong pinagtibay ng bawat pait ng pagkabigo. Sa kaliwa man o sa kanan, ang mahalaga ay buo ang loob mong tahakin ang direksyon na pinili ng puso mo.
Sa mga taong nagsilbing inspirasyon sa akin at sa maraming tao, na patuloy na lumalaban, nasa likod man ng mga rehas on nasa labas, Mabuhay kayo! Keep strong. Keep faith.
"When a warrior fights not for himself, but for his brothers, when his most passionately sought goal is neither glory nor his own life's preservation, but to spend his substance for them, his comrades, not to abandon them, not to prove unworthy of them, then his heart truly has achieved contempt for death, and with that he transcends himself and his actions touch the sublime. That is why the true warrior cannot speak of battle save to his brothers who have been there with him. The truth is too holy, too sacred, for words."-- Suicide, 'Gates of Fire'
PS. I would like to personally thank those people I tagged in this note. Maraming maraming salamat po. sa pagmulat ng maraming kaisipan, pagbigay ng inspirasyon, sa patuloy na pagbibigay ng pag asa at pagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng karangalan at kadakilaan. Mabuhay po kayo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)


0 comments:
Post a Comment